5/13/2022 0 Comments Hindi muna sasama ang Makakalikasan Party sa mga protesta kontra resulta ng eleksyong Mayo, 2022![]() Nagpulong ang Pambansang Konseho ng Makakalikasan (Nature Party Philippines) kagabi at batay sa aming kakayanan, kaalaman at hawak na kasalukuyang impormayon ay aming pinag-aralang mabuti kung may sapat o konkretong pruweba para sabihing nagkaroon nga ba talaga ng sistematiko at malawakang pandaraya sa katatapos lang na eleksyon? Aming napagtanto na sa kasalukuyan ay wala pa. Gayunpaman aming kinikilala na maraming iregularidad na kailangang tawagan ng pansin ang COMELEC pero hindi ito sapat upang sabihing walang kredibilidad ang katatapos lamang na eleksyon. Patuloy kaming maghahanap pero hanggat walang mapatunayan ay di muna kami sasama sa mga kasalukuyang mga protesta na umiikot sa usaping ito.
Ang pagtakbo namin sa loob ng socialist-greens alliance sa loob ng PLM (Partido Lakas ng Masa) ay malinaw na pagpapakita ng pag-ayaw namin at tuwirang pagbabangga sa interes na kinakatawan ng mga Duterte at Marcos at ng iba pang mga tumakbong partido pulitikal, alyansa at pambansang mga kandidato. Malinaw sa amin ito at patuloy kaming naninindigan dito. Gayunpaman dahil nga sa tumakbo kami sa eleksyon at wala pang pruweba na ang demokratikong proseso na ito ay dinaya o nadaya kailangan naming tanggapin muna sa ngayon ang pagkatalo at respetuhin ang demokrasya ng nakararaming bomoto. Sa tingin po namin ay hindi napapanahon ngayon na nasa gitna pa ng kontrobersya kung dapat pang pagkatiwalaan ang kredibilidad ng huling eleksyon na ngayon din igiit ang patuloy na posisyon laban sa pamamahala ng Marcos-Duterte na inaasahang maipoproklamang nanalo bilang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa. May tamang panahon ang bawat gawaing pulitikal. Mas gugustuhin pa naming ipaalala sa lahat na ANG KALIKASAN AY DI MAGHIHINTAY NG ISANG MATINONG GOBYERNO... kung kaya ay dapat UNAHIN ANG KALIKASAN NGAYON kundi PAPATAYIN TAYO NITO! Kaya ngayong araw na ito, ika-13 ng Mayo, 2022 habang maraming grupong nasa kalye at nagpoprotesta sa resulta ng eleksyon, pinili ng konseho ng Makakalikasang samahan ang isang komunidad sa bulubundukin ng Antipolo City na humaharap sa kahirapan, pagkasira ng kalikasan at lumalaban sa mga land grabber na taniman ng mga puno ang kanilang lugar at makipag solidaridad sa kanilang kalagayan.
0 Comments
Leave a Reply. |
Official Statements:
|